Isang dahilan kung bakit kakaibang galit ang pinupukaw ni Zelensky sa ilang sulok ng internet ay dahil sinisira niya ang isang kwentong sinasabi nila sa sarili nila tungkol sa pagkalalaki.
Simple raw dapat ang kwento. Ang totoong lalaki ay dominante, pisikal na agresibo, malamig ang emosyon, mapanuri sa mga institusyon, imposibleng mapahiya. Iyong kalokohang ipinamamahagi ni Andrew Tate at ng mga actor niya sa GenZ. Iniisip nila ang pamumuno bilang postura, isang uri ng permanenteng paligsahan ng social intimidation. Kaya naman halos buong ecosystem na iyon ay obsesyonado sa mga status signal, ritwal ng pamamahiya, wika ng hierarchy, "frame," pampublikong disrespect, paghahati sa winner-loser. Ito ay pagkalalaking nauunawaan pangunahin bilang social positioning. Tapos isang dating komedyante ang napapunta sa pamumuno ng isang bansa sa gitna ng pananalakay, at biglang mukhang peke ang buong modelo.
Hindi talaga kasya si Zelensky sa mitolohiya nila. Actor siya dati. Emosyonal siyang magsalita sa publiko. Mukha siyang pagod. Humihingi siya ng tulong sa mga kaalyado sa halip na magkunwaring kayang-kaya niyang mag-isa. Nagsusuot siya ng fatigue clothing na karaniwang kukutyain mismo ng mga taong ito kung iba ang gumawa noon. Pero sa ilalim ng totoong presyon, sa gitna ng totoong national emergency, naging matapang siya sa paningin ng milyun-milyong tao.
Dahil ang totoong pamumuno sa gitna ng krisis ay bihirang magmukhang katulad ng internet fantasy version ng pagkalalaki. Kadalasan ay mukha itong pagtitiis sa takot nang walang drama, patuloy na paggana kahit pagod na pagod, pamamahala ng mga koalisyon, paggawa ng tradeoffs sa harap ng publiko, at pananatiling buo ang isip habang may namamatay dahil sa mga desisyong nakakabit sa pangalan mo. At minsan dahil sa mga pagkakamali mo...
Karamihan ng online masculine culture ay naka-optimize para sa mga kapaligiran kung saan wala namang kailangan sa mga bagay na iyon dahil pawang facade lang ang lahat. Kaya madalas na mukhang sobra-sobra ang emosyonal na obsesyon sa mga conspiracy tungkol kay Zelensky. Iyong pagkahumaling sa mga sikretong villa, tagong korapsyon, staged na kabayanihan, tsismis tungkol sa cocaine, mga puppet-master na kwento. Normal lang ang ilang pagdududa sa mga gobyerno sa panahon ng digmaan. Palaging nagsisinungaling ang mga estado tuwing may digmaan. Pero iba ang tindi rito. Mas hindi analitikal, mas compensatory. Ang tagong emosyonal na pangangailangan ay i-downgrade ang kinakatawan niya.
Kung corrupt siya, peke, duwag, manipulated, sikretong dekadente, mawawala ang kontradiksyon. Hindi na kailangang ipaliwanag ng mga lalaking nagtayo ng identidad sa palabas ng dominasyon kung bakit isang dating komedyante ang nagpakita ng mas kilalang pampublikong tapang kaysa sa kanila kailanman. Mananatili ang mitolohiya.
At importante, hindi ito talaga tungkol sa Ukraine. Makikita mo ang parehong pattern tuwing nagbabanggaan ang performative masculinity at ang bigat ng institusyonal na responsibilidad.
Ang mga taong taun-taong nagbe-brand ng sarili bilang walang-awang truth-teller ay madalas na nalilito sa loob ng mga organisasyong nangangailangan ng pasensya, diplomasya, consistency, at accountability. Ang mga lalaking walang sawang nagsasalita tungkol sa hierarchy at lakas online ay madalas na bumabagsak sa mga sitwasyong may kinalaman sa pag-aalaga, kawalang-katiyakan, matagalang sakripisyo, o totoong command responsibility. Hindi maayos na nalilipat ang palabas dahil naka-optimize ito para sa panonood.
Sistematikong minamaliit ng internet masculinity culture ang stewardship dahil hindi ito kasing-sine kumpara sa dominasyon. Pero iyon ang tunay na pagkalalaki. Ang pamumuno sa iyong mga tao at pag-aalaga sa kanila.
Lumalabas na ang pamamahala ng bansa sa ilalim ng pananalakay ay may kinalaman sa logistics, pamamahala ng morale, pagpapanatili ng alyansa, media discipline, simbolikong komunikasyon, at emosyonal na tibay. Hindi podcast swagger. Hindi ironic detachment. Hindi "alpha energy." Walang "aura".
Ito rin ang dahilan kung bakit kakaibang cognitive dissonance ang dulot ni Zelensky para sa kanila partikular. Nagtagumpay siya sa iisang arena na implicit nilang itinuturing na ang pinakahuling masculine test: pamumuno sa panahon ng digmaan. At ginawa niya ito habang nilalabag halos lahat ng aesthetic cue na iniuugnay ng kanilang subkultura sa masculine legitimacy. Hindi iyon kayang komportableng iproseso sa loob ng ideolohiya, kaya nire-reroute ito sa pagkamuhi at conspiracy.
Hindi dahil mas malinaw nilang nakikita siya kaysa sa lahat. Kundi dahil kailangan nilang maging peke siya.